fireflies-covered-tree-at-night
Katapangan – isang ugali na madalas naisasangtabi ng maraming tao, kung hindi man napapalitan ng ibang kahulugan. Pagharap sa takot at panganib – ito ang kadalasan nating naiuugnay sa salitang ‘tapang’, kaakibat ang mga salitang lakas, tatag, tibay at kabayanihan. Ang mga ganitong katangian ay karaniwang pinagsasaya o ipinagdiriwang.

Sa kabilang banda, naniniwala ako na ang katapangan ay makikita rin sa silong ng katahimikan. Ang simpleng pagpapatuloy ng payak at ordinaryong buhay sa kabila ng magarbo at maluhong kompetisyon ng lipunan, maging sa antas ng karungan at kagandahan, ay pagpapakita rin ng katapangan; kasama ang pagganap sa responsibilidad sa pag-aaral, sa trabaho man o sa tahanan, nang may kababaang-loob at pasasalamat sa Maykapal sa kabila ng lipunang naghahangad ng katangyagan o pagkilala.


At higit sa lahat, ang pagpapahayag ng saloobin sa lipunang hindi nakikinig, ang pagiging makadiwa sa mundong pinangingibabawan ng materyalismo, at ang pagpapatuloy na pangangarap sa kabila ng kawalang kasiguraduhan at pag-asa – ang magpatuloy na magbigay ng liwanag sa abot ng makakaya alang-alang sa iba pang nilalang na makikinabang – mga katangiang maisasalarawan ng isang alitaptap na pilit namumuhay sa mundong sia ay tinalikuran – ito ay hindi maitatanging isang malalim na uri nang katapangan.


Gusto kong maging matapang. At ang mga pahinang narito ay ilan lamang sa aking pagtatangka na maging matapang sa aking sariling kahulugan.

Alexis B. Obiena

2010, Setyembre Photo from kayakasiaphilippines.wordpress.com

Comments